Angel's Herald: Bagets Na "Sakit Ng Ulo" Pinarangalan Sa Buong Mundo



Bagets Na "Sakit Ng Ulo" Pinarangalan Sa Buong Mundo

TALIBA - SPECIAL REPORT (Ares P. Gutierrez) - THURSDAY, JULY 14, 2005

Sakit ng ulo ang naging susi sa 18-anyos na si Angelicum Fernandez-Oda para makilala siya at maparangalan bilang isa sa mga natatanging computer whiz kid sa mundo.

"May eye problem po ako since Grade 2 kaya mataas ang grado ng salamin ko. Madalas akong mag absent sa klase sa tuwing aatakihin ako ng severe migraine," paglalahad ni Angelicum o Joco.

Dahil dito, napilitan ang mga magulang ni Joco na ipasok siya sa Home Study Program ng kaniyang pinapasukang Angelicum College sa Quezon City.

"Since YS-7 (katumbas ng Grade 6) halos sa bahay lang ako gumagawa ng modules (aralin)," ani Joco.

Upang hindi tuluyang maburyong sa pagiging home boy, tumulong ang noo'y 14-anyos na si Joco sa kanilang computer shop sa Main Ave kung saan siya ang tumayong Kahero. Dito nagsimulang mabuksan ang pintuan para sa ating Pinoy Whiz kid sa mundo ng ICT o information and communications technology.

Sa pagbubutingting ng computer habang nagbabantay ng kanilang shop, mag-isang natutunan ni Joco kung paano gumawa ng isang Internet website.

"Trial and error lang po. Patingin-tingin ng sites. Tiyagaan lang hanggang sa makabuo ako ng isang Harry Potter site," ani Joco.

Sumikat sa internet ang Harry Potter site (www.theministryofmagic.org.uk) ni Joco. Umani rin ito ng maraming on-line na parangal gaya ng natatanging pagkilala mula sa official Harry Potter site ng Warner Brothers at napili rin ito ng Stockholm Challenge na itinuturing na Nobel Prize sa mungo ng ICT.

Sinimulang gawin ni Joco ang Young MDG website (www.youngmdg.com) na naglalayong iparating sa mga kabataan kung paano sila makatutulong sa pagsasakatuparan ng Millennium Development Goals ng United Nations. Isinali ang kanyang website sa Cable and Wireless Childnet Academy Awards kung saan napili si Joco bilang isa sa 13 kabataang nanalo sa prestihiyosong patimpalak na isinagawa sa Montego Bay sa Jamaica kamakailan.

"Wala kasing website at maging mga babasahin tungkol sa MDG na child-friendly o 'yung madaling maintindihan ng bata. Masyadong malalim ang pagkakasulat at mahirap intindihin ang mga available na sites ng MDG kaya naisipan kong gumawa ng Young MDG site," paliwanag ni Joco na hinirang na ICT Director ng Voice of the Youth at editor ng UN Volunteers Country website.

Ayon kay Joco, makapangyarihan ang Internet bilang daluyan ng impormasyon.

"Maraming magagandang bagay na makukuha ang mga kabataan sa Internet kung hindi lang sana inuubos ang kanilang Internet time sa chat at paglalaro ng online games," aniya.

Ang magagawa nga naman ng "sakit ng ulo."
« Home | Next »
| Next »
| Next »

0 Comments:

Post a Comment